Mahirap maging babae sa mundo ng paggawa. Sa loob ng pabrika at maging sa kanilang mga unyon, bitbit ni Aileen Panuelos at Ana Capillas ang dagdag na pasanin: mga matang mapanghusga, pangmamaliit dahil sa kanilang kasarian, at boses na kailangang ulit-ulitin bago marinig.
Pagod ang Katawan, Pagod ang Puso
Stress at sakit ng ulo ang dulot ng mahahabang oras sa pabrika. Kay Aileen, ang gabi at araw ay halos hindi na makilala. Kapag may shipment, inaabutan siya ng madaling-araw sa trabaho. Tulog ang mundo, pero gising pa ang makina. Gising pa rin siya.
“Mag-out ka ng 6:00 am, papasok ka ng 7:00 am,” sabi ni Ana. “Meron kaming kasamahan na nakunan siya dahil bago pa lang pala siyang nagbubuntis, hindi namin alam. Bigla siyang dinugo dahil sa sobrang pagod.”
Sa pabrikang pinagtatrabahuhan noon ni Ana, may mga buntis na ipinapasok pa rin sa night shift. Tahimik ang paligid, kahit alam ng lahat na hindi ito ligtas.
Tahimik din kapag may dumaraplis na braso sa balikat. Kapag may umaakbay na parang biro, pero malinaw ang intensyon.
“Yung mga kalalakihan. Hindi mo namalayan, paakbay-akbay, padantay-dantay ng kanilang katawan, ng kanilang braso sa babae,” sabi ni Ana. “Maaasiwa ka at mararamdaman mong pinagsasamantalahan ka.”
Hindi lang pisikal. Litaw na litaw rin ang hindi pagkakapantay-pantay. Sa pabrika ni Aileen, mas mataas ang kita ng mga lalaki. Kayang umabot ng isang libo ang kanilang sahod sa loob ng walong oras—isang halaga na hindi inaabot ng mga babaeng nasa “magagaan” daw na gawain.
“Iyong mga trabaho ng babae, nandoon sila sa sabihin nating magaan ‘yung trabaho. ‘Yung sinasabi nilang madaling trabaho pero wala namang trabahong madali ‘di ba?” sabi ni Aileen.
Kapag Babae ang Namumuno
Unti-unting nawala ang mga bastos na biro at mapanghusgang tingin nang maging opisyal na si Ana sa kanilang unyon. “Noong ako’y naging officer na, nagkaroon na sila ng respeto,” sabi ni Ana. “Parang untouchable ka na kasi lider ka na eh. Tinitingala ka na nila.”
Sa kanilang unyon, kababaihan ang bumubuo ng halos lahat ng pamunuan. Babae ang presidente at babae ang lumalahok sa mga training. “Kaya sila rin ang naging opisyal,” ipinagmamalaking sabi ni Ana.
Kay Aileen, iba ang eksena. Sa unyon nila, karamihan ay lalaki. At bilang babaeng presidente, ramdam niya ang bigat ng pag-upo sa mesa ng mga desisyong kadalasa’y dinidiktahan ng kalalakihan. Mula sa mga kasamahan hanggang sa pamunuan ng kumpanya, ramdam ang pagdududa.
“Ang thinking ng management kapag babae ka, madali kang bibigay. Madali kang kausap,” sabi ni Aileen. “Hindi nila akalain na paninindigan ko ‘yung pagiging presidente ko.”
Hindi Lang Para sa Sarili, Kundi Para sa Lahat ng Babae
Sa kabila ng mga hadlang at pagkukulang ng sistema, patuloy ang laban nina Aileen at Ana—hindi na lang para sa kanilang sarili, kundi para sa lahat ng kababaihang tahimik pa ring tinitiis ang hindi makatarungang kalagayan sa mundo ng paggawa.
Si Ana ngayon ay aktibong miyembro ng isang network ng mga kababaihang manggagawa sa loob ng isang trade union.
“Malaking advantage kung ma-organize sila,” sabi ni Ana. “Kahit sa local na union, dapat may education committee at doon unti-unting imulat ang mga kababaihan sa mga karapatan nila.”
Para kay Aileen, ang pagkilos ng kababaihan ay hindi dapat limitado sa unyon lamang, kundi sa lipunan mismo. “Kailangan ang kababaihan ay nagpaparticipate din sa lipunan at huwag isipin na babae lang ako,” sabi ni Aileen.
“Ang babae may angking lakas ‘yan eh, kailangan lang buhayin sa kanila ‘yan,” dagdag pa ni Aileen.
At sa bawat hakbang ng kanilang laban, dala nila ang paniniwala: na ang pagiging babae ay hindi kailanman hadlang—ito ay panimulang tanong, paninindigang sagot, at tapang na isinusulong araw-araw.


![[ENG] Breaking the Silence: Healing the Unseen Wounds of Disaster-Affected Communities](https://alternativelawgroups.ph/wp-content/uploads/2025/12/Braveheart-Photo-400x250.jpg)
![[ENG] From Refugee to Rights Advocate: How a Paralegal Became the Voice of Justice in the Camp](https://alternativelawgroups.ph/wp-content/uploads/2025/12/Image-9-400x250.jpg)
![[ENG] Capturing Equality in Capiz State University, Fighting for Trans Students’ Right to Dream](https://alternativelawgroups.ph/wp-content/uploads/2025/12/rrights-400x250.png)