Parehong namulat si Aileen Panuelos at Ana Capillas sa kanilang mga karapatan nang sila ay sumali ng unyon. Dito nila unang natagpuan ang pag-asa – na sa bawat hinaing, may boses; at sa bawat laban, may kasama. Katuwang ang kanilang mga kapwa manggagawa, nagsimula silang tumindig at kumilos, hindi lang para sa sarili, kundi para sa karapatan ng lahat.
Ang Unang Hakbang ni Aileen sa Pag-uunyon
Noong una, hindi kumbinsido si Aileen sa pag-uunyon. “Ang thinking ko sa pag-uunyon noong time na ‘yun, ‘yung mga nagrarally sa daan. ‘Yun ‘yung napapanood ko sa TV na bakit kailangan mo magrally diyan eh traffic na nga, nakaka-traffic ka pa.”
Pero noong nakita niyang nagtayo ng unyon ang mga bisor nila, napaisip siya. Bakit kinailangan nilang magtayo ng unyon? Bakit silang mga rank-and-file na empleyado, wala?

Hindi nagtagal, nagtayo rin ng unyon ang hanay ng mga rank-and-file. Sa kabila ng presensiya ng mas matagal nang mga unyonista, si Aileen ang napiling maging presidente. Bata siya, oo—pero may boses. May tapang.
“Napagkaisahan nila na ako raw ‘yung bata,” sabi ni Aileen. “Ako ‘yung may kadaldalan at malakas ang loob na humarap sa management kapag may mga problema kami.”
Natural, hindi iyon ikinatuwa ng kumpanya. Dumaan siya sa mga pagsubok. Kung anu-anong suhol ang kanyang natanggap – pera, mga regalo, at pambayad sa kolehiyo.
“Na-offeran ako ng 5 million para lang i-atras ‘yung unyon,” sabi ni Aileen. “Ang sabi ko, “Kung bibigyan mo ako ng 5 million, ibigay mo ‘yan sa lahat ng mga manggagawa mo kasi nangangailangan sila.”
Sa Gitna ng Tela at Tiwala: Ang Bagong Gampanin ni Ana
Maswerte naman si Ana. Pagkapasok pa lang niya sa pabrika, naroon na ang unyon—isang balangkas ng proteksyon na matagal nang pinag-ipunan ng mga naunang manggagawa. Ngunit hindi ito perpekto.
Nang masuspinde siya ng tatlong araw dahil sa damaged na tela, walang ipinaglaban ang dating presidente ng unyon. Walang aksyon. At tuloy, wala rin siyang sweldo.
“Iyon ang pinakamasakit. Kasi may unyon na, nasuspinde ka pa,” sabi ni Ana.
Kaya’t nang magbago ang pamunuan at siya’y maging bahagi na ng opisyal na hanay bilang sekretarya, ipinangako niya sa sarili—hindi niya hahayaan na maranasan din iyon ng iba.
Minsang natagpuan niya ang isang kasamahan na balisa sa labas ng pabrika—tinanggal sa trabaho, pinapipirma ng resignation letter matapos umabsent nang walang paabiso. Agad siyang kumilos.
Pumunta siya sa HR, dala ang lakas ng loob at ang kaalaman sa polisiyang dapat umiiral.
“Kapag naagapan ng mga opisyales ng union, hindi natutuluyang matanggal sa trabaho,” sabi ni Ana. “Nasuspinde lang din siya ng dalawang araw at nakabalik.”
Tungo sa Mas Malalim na Pag-unawa ng Karapatan
Ang karanasan sa unyon ang nagsilbing pintuan para kina Aileen at Ana upang mas lalong magpalalim ng kaalaman tungkol sa karapatan ng mga manggagawa. Nang magsara ang kanilang mga pinagtatrabahuhang pabrika—parehong dahil sa bankruptcy—hindi natigil ang kanilang laban. Bagkus, lalo pa silang tumindig. Mula sa pagiging lider-unyonista, naging mga paralegal at labor organizer sila.
“Naexperience ko na wala akong alam sa batas,” sabi ni Ana. “Kailangan matuto nang paunti-unti para maipagtanggol ang sarili. Hindi lang ang sarili, pati ang mga kasamahan mo sa trabaho.”
Ngayon, sila na ang nilalapitan ng mga manggagawa mula sa iba’t ibang industriya—mga nagtatrabaho sa hotel at kainan, sa konstruksiyon, mga tsuper at drayber. Bitbit ang karanasan at bagong kaalaman, naging gabay sila sa mga gustong maunawaan ang batas at makamit ang katarungan.
“Bilang organizer, kakaharapin mo lahat ng isyu ng mga workers na inoorganize mo,” sabi ni Aileen. “Kailangan alam mo paano mo sila sasagutin sa paraang legal. Ito ‘yung sinasabi ng batas.”
Para kay Ana, hindi sapat ang karanasan lamang. Kailangan ang tuluy-tuloy na pag-aaral. “Iba talaga kapag nakadalo ka sa training kasi doon ka nakakakuha ng experiences mula sa iba ring kumpanya. Dahil sa unti-unting pag-aaral, unti-unting natututo,” sabi niya.
Pareho silang nagtapos ng paralegal training sa ilalim ng Sentro ng Alternatibong Lingap Panlegal (SALIGAN), isa sa mga miyembro ng Alternative Law Groups (ALG)—mga organisasyong nagsusulong ng legal empowerment ng mga manggagawa sa iba’t ibang panig ng bansa.
Laban ng mga Manggagawa, Laban ng mga Kababaihan
Sa paglalim ng kanilang kaalaman sa batas at pag-oorganisa, mas naging malinaw kina Aileen at Ana na ang laban ng manggagawa ay hindi lamang tungkol sa sahod, benepisyo, at seguridad sa trabaho. Ito rin ay tungkol sa pagkilala sa karapatan bilang babae na madalas itinatabi, kung hindi man tuluyang binubura, sa loob ng pabrika at kahit sa loob ng mismong unyon.
Dahil sa bawat galaw, dala pa rin nila ang bigat ng pagiging babae sa mga diskriminasyong dinanas, sa mga biro at paninindak, sa mga pagdududa sa kanilang kakayahan.
At sa kabila nito, hindi sila umatras. Sa halip, tumindig sila. Naglakad pasulong, tangan ang paniniwalang hindi pwedeng paghiwalayin ang laban para sa paggawa at ang laban para sa pagkakapantay-pantay ng kasarian.
Sa susunod na bahagi ng seryeng ito, tatalakayin natin ang intersection ng gender at labor rights—ang mga tahimik na laban sa loob ng pabrika, at ang tapang ng mga kababaihang hindi pumayag na manatiling tahimik.


![[ENG] Breaking the Silence: Healing the Unseen Wounds of Disaster-Affected Communities](https://alternativelawgroups.ph/wp-content/uploads/2025/12/Braveheart-Photo-400x250.jpg)
![[ENG] From Refugee to Rights Advocate: How a Paralegal Became the Voice of Justice in the Camp](https://alternativelawgroups.ph/wp-content/uploads/2025/12/Image-9-400x250.jpg)
![[ENG] Capturing Equality in Capiz State University, Fighting for Trans Students’ Right to Dream](https://alternativelawgroups.ph/wp-content/uploads/2025/12/rrights-400x250.png)