Bawat manggagawa ay may karapatan sa isang disenteng trabaho na may respeto sa kanyang karapatang pantao. Kasama rito ang pagkakaroon ng kasiguraduhan sa trabaho na ligtas at may disenteng pasahod. Dapat ay may maayos at makataong kondisyon sa paggawa, pantay na pagtrato anuman ang kanyang kasarian o kalagayan sa buhay, at proteksyon laban sa abuso, pisikal man o mental.
Sa pagsulong ng karapatan ng mga manggagawa, malaki ang papel na ginagampanan ng mga unyon at ibang grupo ng mga manggagawa. Ayon sa datos ng Bureau of Labor Relations, tumaas ang bilang ng mga unyon at mga miyembro nito sa nakalipas na ilang taon. Ito ay sa kabila ng patuloy na pangha-harass, pangre-red tag, at pagpaslang sa mga manggagawa, lalo na sa mga lider ng mga unyon.
Para labanan ang mga abusong ito, importanteng patuloy na hikayatin ang mga manggagawang magtayo o sumali ng mga unyon. Ipakita ang kalakasan ng pag-uunyon sa pagsulong ng mas maaayos na polisiya sa paggawa, tulad ng pagtaas ng sahod, ligtas na kondisyon sa paggawa, pantay na oportunidad para sa bawat manggagawa, at kalayaan mula sa karahasan, diskriminasyon at iba pang gender-based violence and harassment sa trabaho. Siguraduhin ding may sapat na representasyon ang mga marginalized sectors sa liderato ng mga unyon upang ang kanilang mga pangangailangan ay maisama sa mga negosasyon.
Bukod dito, dapat irespeto ng estado ang karapatan ng mga manggagawa sa disenteng trabaho. Isulong ang pag-ratify ng ILO Convention No. 190 na magtutulak sa kanilang magpasa ng mga batas at polisiya na magtitigil sa karahasan at harassment sa mga manggagawa. Itigil ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ang aktibong pangangampanya para sa pagbuwag at pag-iwas sa pagsali sa mga unyon at huwag gamitin ang Anti-Terrorism Law of 2020 at iba pang mga polisiya para pigilan ang paglaban ng mga manggagawa para sa kanilang mga karapatan.
Ngayong World Day for Decent Work, ang Alternative Law Groups ay nakikiisa sa laban ng mga manggagawa mula sa iba’t ibang sektor para sa disenteng trabaho, kalayaan sa pag-uunyon at paglalahad ng kanilang mga isyu nang walang takot, at pantay na trato at oportunidad para sa mga kababaihan, LGBTQIA+, PWDs, katutubo, at iba pang sektor sa laylayan.
Signatories:
- Ateneo Human Rights Center
- BALAOD Mindanaw
- Children’s Legal Bureau, Inc.
- ERDA Foundation, Inc.
- Environmental Legal Assistance Center, Inc. – ELAC
- Humanitarian Legal Assistance Foundation, Inc – HLAF
- KAISAHAN
- Kanlungan Centre Foundation Inc.
- Legal Rights and Natural Resources Center
- Process Panay
- SALIGAN
- Tanggapang Panligal ng Katutubong Pilipino
- Tanggol Kalikasan Inc.
