Ngayong araw, limang dekada at isang taon na ang nakalipas mula ng idineklara ng diktador, magnanakaw, at dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. ang Martial Law sa ating bansa.
Mapaniil, madugo, at bayolente ang madilim na kabanatang ito sa ating kasaysayan. Napakaraming human rights violations ang nangyari, tulad ng torture, enforced disappearances, at pagpatay. Ito ang katotohanan, pero sumusulpot ang mga distortionist narratives ngayon upang pabanguhin ang pangalan ng mga Marcoses at itago ang mga nangyaring karahasan noong Martial Law.
Kahit malinaw na ang katotohanan tungkol sa Martial Law, walang napanagot dito. Ang mga kaso laban sa mga Marcoses at kanilang mga crony ay nadi-dismiss o hindi kaya’y nare-reverse. May mga nahatulan ngunit nanatiling malaya hanggang ngayon, tulad ni Imelda Marcos na napatunayang guilty ng graft.
Samantala, hindi nakamit ng karamihan ng biktima ng Martial Law ang reparations o kabayaran para sa pagpapahirap at karahasan na sinapit nila. Nagkaroon ng Human Rights Victims’ Claims Board (RA 10368), ngunit 11,103 (o 14%) mula sa 75,749 na aplikante lamang ang nakakuha ng reparations.
Pagkatapos mapatalsik ni Marcos Sr. sa pamamagitan ng People Power, maraming reporma sa mga polisiya at bagong batas ang naipasa upang hindi na maulit ang madilim na bahagi ng ating kasaysayan. Nagkaroon ng maraming safeguards laban sa diktadura sa bagong 1987 Constitution. Mayroon ng Anti-Torture Law, Anti-Enforced Disappearance Act, at writ of amparo at writ of habeas data sa Korte Suprema.
Ngunit sa kabila ng mga batas at nga mga remedyo na ito, talamak ngayon ang mga kaso ng red-tagging, harassment, disinformation, surveillance, at iba pang human rights abuses ng mga community leaders at human rights defenders. Katulad ng kanyang diktador na ama, malinaw na hindi prayoridad ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang hustisya at kapakanan ng sambayanan.
Wala mang lantarang deklarasyon ng Martial Law, patuloy pa rin ang paggamit ng mga mapaniil na batas at polisiya – tulad ng Anti-Terrorism Act of 20202 – ng estado para makapang-abuso at tapakan ang karapatang-pantao ng mga human rights defenders.
Ang Alternative Law Groups ay nananawagang:
- Ihinto ng estado ang pagpoposturang gusto nitong solusyonan ang disinformation sa bansa habang patuloy na nakikinabang sa paglaganap nito;
- Panagutin ang mga arkitekto ng Martial Law at wakasan ang culture of impunity;
- Palakasin ang implementasyon ng mga batas na nagpoprotekta sa mga human rights defenders at ipasa ang Human Rights Defenders Bill;
- Masusing bantayan ang implementasyon ng Anti-Terrorism Act at iba pang mga batas na maaaring gamitin laban sa kanila;
- Itigil ang pag-atake sa mga human rights defenders sa porma ng red-tagging, surveillance, harassment, at ibang human rights abuse and violations; at
- Panatilihing independent ang Korte Suprema upang mangibabaw ang hustisya at rule of law sa ating bansa.
Ngayong nanumbalik na ang mga Marcoses sa kapangyarihan, palakasin at buhayin natin ang diwa ng People Power na nasimulan noong 1986. Manatili tayong mapanuri, magdemanda ng accountability mula sa gobyerno, labanan ang impunity, at isulong nating lahat ang karapatang pantao.
Signatories:
- Ateneo Human Rights Center
- BALAOD Mindanaw
- Children’s Legal Bureau, Inc.
- ERDA Foundation, Inc.
- Environmental Legal Assistance Center, Inc. – ELAC
- Humanitarian Legal Assistance Foundation, Inc – HLAF
- KAISAHAN
- Kanlungan Centre Foundation Inc.
- Legal Rights and Natural Resources Center
- Process Panay
- SALIGAN
- Tanggapang Panligal ng Katutubong Pilipino
- Tanggol Kalikasan Inc.
