Kabayanihan ang paglaban para sa karapatang pantao.
Matagal nang ipinaglalaban ng mga human rights defenders ang mga batayang karapatang pantao ng bawat Filipino – pareho sa mga prinsipyong ipinaglaban noon ng mga tinaguriang mga bayani ng bayan.
Sa kabila ng kanilang mga napagtagumpayan, patuloy pa rin tayong kumakaharap ng iba’t ibang kondisyon na sumisikil sa ating kalayaan sa kasalukuyan.
Sa social media, laganap ang disinformation at mapanlinlang na naratibong masama ang paglaban para sa iyong mga karapatan. Negatibo rin ang pagtingin sa mga human rights defenders na madalas pa nga ay binabansagang terorista.
Patuloy pa rin ang pag-akyat ng bilang ng extrajudicial at drug-related killings. Ayon sa datos ng Dahas, mahigit 300 na ang drug-related killings simula ng umupo si President Ferdinand Marcos, Jr.
Ang maliit na espasyong ginagalawan ng civil society ay mas lumiliit pa dahil sa red-tagging at harassment mula mismo sa mga alagad ng batas at pagkakaroon ng mga represibong batas at polisiya tulad ng Anti-Terrorism Act of 2020.
Sa kabila ng mga hamong ito, ang mga human rights defenders ay patuloy na tumitindig para sa karapatang pantao. Mahirap at masalimuot ang daang ito, ngunit kasaysayan na ang nagpatunay na kaya nating maabot ang kalayaan at matamasa ang ating mga karapatan sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos.
Nakikiisa ang Alternative Law Groups (ALG) sa patuloy na paglaban ng mga human rights defenders para sa karapatang pantao.
Ngayong ginagamit ang batas para patahimikin at atakihin ang mga human rights defenders, lalaban tayo sa pamamagitan ng alternative lawyering – mula sa legal empowerment hanggang sa paglulunsad ng mga metalegal na estratehiya.
Patuloy tayong hihingi ng accountability mula sa gobyerno at magdedemanda na magpasa ng mga progresibong batas tulad ng Human Rights Defenders Bill – isang batas na naglalayong protektahan ang karapatan ng mga human rights defenders.
Dahil ang tunay na paggunita ng National Heroes Day ay pagtiyak na nananaig ang rule of law sa ating bansa at ang mga karapatan at kalayaang napagtagumpayan ng ating mga pambansang bayani noon ay natatamasa pa rin ng bawat Filipino hanggang ngayon.
Signatories:
- Ateneo Human Rights Center
- BALAOD Mindanaw
- Children’s Legal Bureau, Inc.
- ERDA Foundation, Inc.
- Environmental Legal Assistance Center, Inc. – ELAC
- Humanitarian Legal Assistance Foundation, Inc – HLAF
- KAISAHAN
- Kanlungan Centre Foundation Inc.
- Legal Rights and Natural Resources Center
- Process Panay
- SALIGAN
- Tanggapang Panligal ng Katutubong Pilipino
- Tanggol Kalikasan Inc.
