Walang puwang sa isang demokratiko at malayang bansa ang paglabag sa ating mga karapatang pantao at kalayaan.
Nitong Setyembre 2, dinukot ang dalawang women environmental defenders na sina Jonila Castro at Jhed Tamano sa Orion, Bataan – mga kabataang human rights defenders na tumutulong sa mga komunidad na apektado ng mapanirang reclamation at coastal development projects sa Manila Bay.
Ayon sa Bulatlat, sina Jonila at Jhed ay pang-12 at pang-13 na biktima ng pagdakip simula nang umupo sa pwesto si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Ito ay sa kabila ng pagkakaroon ng Anti-Enforced or Involuntary Disappearance Act of 2012 (RA 10353) sa bansa, at katatapos lang ng pagdiwang ng International Day of the Victims of Enforced Disappearances nitong Agosto 30.
Hindi na bago ang ganitong naratibo. Ayon sa Global Witness, isang international monitoring organization, ang Pilipinas ay isa sa mga deadliest na bansa sa Asia para sa land and environmental defenders.
Sa buong bansa, ang environmental defenders mula sa iba’t ibang sektor – tulad ng indigenous peoples, mangingisda, magsasaka, at iba pa – ay nakararanas ng pananakot, harassment, surveillance, red-tagging, SLAPP suits at pagpatay upang tumigil sila sa paglaban para sa kanilang mga karapatan sa lupa at proteksyunan ang kanilang kapaligiran.
Ngayong kumakaharap ang buong mundo ng krisis sa klima, importanteng mas palakasin pa ang panawagan ng mga environmental defenders na tumutulong sa mga komunidad na siyang mas nakakaranas ng pinakamalubhang impact ng climate change.
Nananawagan ang Alternative Law Groups na palitawin agad sina Jonila at Jhed at ang iba pang biktima ng enforced disappearances! Tigilan na ng administrasyon ni Marcos Jr. ang pagsasawalang bahala sa mga kasong ito at simulan na ang imbestigasyon! Marami na ang naging biktima at panahon na para wakasan ang culture of impunity at panagutin ang mga responsable sa pagpapalaganap nito.
Hustisya para sa mga biktima ng enforced disappearances! Hustisya para sa mga environmental defenders!
#SurfaceJonilaCastro
#SurfaceJhedTamano
#StopTheAttacks
Signatories:
- Ateneo Human Rights Center
- BALAOD Mindanaw
- Children’s Legal Bureau, Inc.
- ERDA Foundation, Inc.
- Environmental Legal Assistance Center, Inc. – ELAC
- Humanitarian Legal Assistance Foundation, Inc – HLAF
- KAISAHAN
- Kanlungan Centre Foundation Inc.
- Legal Rights and Natural Resources Center
- Process Panay
- SALIGAN
- Tanggapang Panligal ng Katutubong Pilipino
- Tanggol Kalikasan Inc.
