Habang Humahabi ang Makina, May Nagigising na Diwa

Sa gitna ng ingay ng mga makina at abalang mga manggagawa, habang nag-uunahan ang oras at pawis sa trabaho, doon nagsimula ang kwento nina Aileen Panuelos at Ana Capillas, mga karaniwang babaeng manggagawa sa pabrika na nakararanas ng mga kawalang-hustisya sa paggawa.

Ngunit sa bawat takbo ng oras, unti-unti silang namulat—na ang kawalan ng hustisya ay hindi dapat tiisin, at ang pananahimik ay may kabayaran. Lakas ng loob ang pinanghugutan, ang dalawang babaeng ito ay tumindig at lumaban.

Sa Oras ng mga Ina, Sa Oras ng Makina

Madaling araw pa lang, gising na si Aileen. Tahimik pa ang buong barangay sa San Luis, Batangas, pero sa maliit nilang bahay, nag-aapura na siyang magluto ng almusal at mag-ayos  ng uniporme ng mga anak.

Dapat lahat handa na bago sumapit ang alas sais—ang oras ng pasok niya sa pabrika ng damit, ilang hakbang lang mula sa bahay nila pero tila isang kontinente ang layo kapag pagod na ang katawan.

Hindi pwedeng ma-late. May kaltas. At kahit pa 2:30 lang dapat ang uwian, kadalasan ay inaabot ng hatinggabi. Kapag may hinahabol na shipment naman ay inuumaga sila. At sa mga ganitong gabing ang antok lang ang kapiling, ang asawa o ang kanyang nanay ang umaalalay sa mga bata.

“Kapag factory worker ka at tuloy-tuloy ang overtime mo, parang hindi ka na kilala ng anak mo,” sabi ni Aileen. “Aalis ka ng maaga, uuwi ka ng gabi, tulog na sila. Masakit na kailangan mo siyang tiisin para mabuhay mo ang pamilya mo. Sakripisyo talaga.”

Ang sakit nito’y mas humihigpit sa dibdib kapag tiningnan mo ang sobre ng sahod: below minimum. Sapat lang para makalutang, hindi para makabuhay.

“Weekly kasi ‘yung swelduhan namin,” sabi ni Aileen. “Ang nangyayari nito, kung hindi siya kasya, uutang ka. Pagsweldo mo, babayaran mo. Pagdating ng Monday, uutang ka na naman. Bayad-utang lang ‘yung nangyayari.”

Sa isang linggong sahod, tatlong payslip ang kanyang pinipirmahan. Isa lang ang totoo. ‘Yung dalawa, gawa-gawa lang para sa mga inspektor, para masabing sumusunod sa batas. Minsan naman ay sinakay sila sa isang truck at dinala sa ibang branch ng kumpanya, malayo sa mapanuring mata ng labor inspectors.

Isang gabi, ikinubli sila sa isang department. Patay ang ilaw, patay ang hininga. Tahimik silang nagtatago sa dilim, habang sinusubukang patunayan ng kumpanya sa auditor na walang trabahador na lampas na sa oras ng overtime. 

Sa mga gabing binubuno niya sa pabrika, natutunan ni Aileen ang sining ng pagnanakaw—hindi ng materyal, kundi ng pahinga. Isang oras, dalawang oras ng tulog sa loob ng banyo. Basta’t ‘wag lang siya mahuli.

“Kailangan mong tiisin ‘yun para lang doon sa sweldo na kailangan mong buhayin ‘yung pamilya mo. Natiis ko ‘yun ng 15 years. ‘Yung iba sa’min mga 28 years,” sabi ni Aileen.

Ang Buhay sa Likod ng Tela

Hindi nalalayo ang kwento ni Ana Capillas sa kay Aileen. Pareho silang hinubog ng pabrika—pareho ring sinubok ng pagod, panganib, at sistemang tila bingi sa hinaing ng mga manggagawa.

Labing-anim na taon siyang nagbantay sa mga makina ng isang textile factory. Siyam, minsan labing-isa, ang makinang kailangang bantayan sa bawat araw. Mga huni ng metal, mga alingasngas ng tela, at alikabok ng oras ang kaniyang mundo. Kailangang masigasig ang mata’t walang ligaw na segundo. Ang isang pagkakamali ay pwedeng suklian ng parusa.

Isang araw, dumulas ang kanyan atensyon. Metro-metro ng tela ang may damage. “Nakasuhan ako dahil hindi ko nakita ang damage,” sabi ni Ana. Nasuspinde siya ng tatlong araw. Walang pasok. Walang sweldo.

Bawal ang magpahinga. Bawal ang malingat. Kahit ang simpleng tawag ng katawan ay kailangang ipagpaliban. “Ang pinakamahirap noon sa naranasan ko ay ‘yung ihing-ihi ka na,” sabi ni Ana. “Talagang titiisin mo. Karamihan sa amin noon, nagkaka-UTI (unirary tract infection).” Swerte ka na kung malapit sa banyo ang poste mo. Pwede kang tumakbo para makaihi ng saglit.

Minsan, nabagsakan siya ng kahoy mula sa makinang binabantayan niya. Nasa braso pa rin niya hanggang ngayon ang peklat mula sa aksidente—isang paalala ng tahimik na pinsala ng pagtitiis.

“Sinabi lang [sa akin] na “May sick leave ka naman, pahinga ka na lang. Ito ‘yung pain reliever.” Hindi man lang ako dinala sa ospital. Hirap na hirap nga akong umuwi dito sa bahay,” sabi ni Ana.

Pagtahak sa Panibagong Landas

Ngunit sa kabila ng mga taon ng pagod at pananahimik, dumating ang panahong unti-unti silang namulat. Sa mga mumunting tanong na dati’y hindi binibigyan ng pansin, sumilip ang pag-asa: Bakit hindi sapat ang sahod? Saan ako unang pupunta? Sino ang pwede kong lapitan?

At sa mga tanong na iyon, nakilala nila ang unyon. Sa unyon, natutunan nilang hindi pala sila nag-iisa. Natutunan nilang pwedeng magtanong, pwedeng tumutol, pwedeng lumaban.

At sa susunod na bahagi ng seryeng ito, babalikan natin ang mga unang hakbang nila Aileen at Ana sa pakikibaka: mga babaeng tagapagtanggol—ng sarili, ng kapwa manggagawa, at ng karapatan.

Tags:

You May Also Like