Pahayag ng Alternative Law Groups sa Araw ng Manggagawa

ANG BAWAT MANGGAGAWANG PILIPINO AY MAY KARAPATAN SA PANTAY-PANTAY NA BENEPISYO, SEGURIDAD SA TRABAHO, SAPAT NA SAHOD, AT MAKAPAGTRABAHO NG MAY DIGNIDAD. 

Ngayong Araw ng Manggagawa, ang Alternative Law Groups ay nananawagan sa gobyerno na pataasin ang sahod ng mga manggagawa at pagbutihin ang implementasyon at pananagutan nito sa ilalim ng  International Labour Organization (ILO) Convention No. C190.

Sahod itaas, presyo ibaba

Matagal nang panawagan ng mga manggagawang Pilipino ang pagtaas ng sahod lalo na’t patuloy rin na tumataas ang presyo ng mga bilihin, pamasahe, at iba pang batayang pangangailangan sa araw-araw. Sa kasalukuyan nasa Php 600 lamang ang minimum wage sa Metro Manila at mas mababa pa sa mga probinsya. Hindi ito nakabubuhay at patuloy lamang na naghihirap ang sambayanang Pilipino.

Malaking balakid din ang jeepney phaseout sa mukha ng PUV Modernization Program na mas lalong magpapahirap sa maraming tsuper at operator, maging sa mga pasahero. Binabalak pang tanggalin ang karapatan ng mga manggagawa sa sapat na sahod sa niraratsadang Charter Change sa Kongreso.

Panahon na para unahin ng gobyerno ang kapakanan ng sambayanang Pilipino. Itigil ang pagsulong ng mga polisiyang kontra-mahirap at nagsisilbi lamang sa interes ng iilan. Patuloy ang ating panawagan para sa pagtaas ng sahod at seguridad sa trabaho ng mga manggagawa!

Labanan ang karahasan at pang-aabuso sa mundo ng paggawa

Malaking hakbang ang pag-ratify ng ILO C190 patungo sa pagpapalakas ng mga batas na nagpoprotekta sa karapatan ng ating mga manggagawa. Nang pirmahan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang ILO C190 noong Oktubre 2023, pinagtibay ng gobyerno ng Pilipinas ang mandato nito na wakasan ang karahasan at abuso sa sektor ng ating mga manggagawa.

Ang ILO C190 ay isang internasyonal na kasunduan kung saan kinikilala ang karapatan ng bawat tao na magtrabaho nang ligtas mula sa karahasan at pang-abuso. Nakabatay ito sa karapatang pantao ng mga manggagawa na tratuhin ng patas at may dignidad. 

Malaking parte ng ILO C190 ang pagsupil sa gender-based violence. Kinikilala nito na ang pagiging inclusive at gender-sensitive sa mundo ng paggawa ay malaking bagay sa pagsugpo ng diskriminasyon, hindi pagkakapantay-pantay ng mga kasarian, at gender stereotypes. Ayon sa Labor Code of the Philippines, dapat protektado ang kababaihan mula sa diskriminasyon sa trabaho dahil sa kanyang kasarian. Nariyan din ang Safe Spaces Act at Anti-Sexual Harassment Act na nagpoprotekta laban sa karahasan at abuso na maaaring mangyari sa lugar ng trabaho.

Dapat na tutukan din ng gobyerno ng Pilipinas ang mga migrant workers at overseas Filipino workers (OFWs) na kadalasan ay biktima ng illegal recruitment, pagsasamantala, at iba’t ibang uri ng abuso mula sa kanilang mga employers sa ibang bansa. Kailangang mas palakasin ang implementasyon ng Migrant Workers and Overseas Filipinos Act of 1995 upang protektahan ang karapatan ng ating mga kababayang nakikipagsapalaran sa ibang bansa.

Sama-sama nating ipagpatuloy ang laban ng manggagawang Pilipino para sa isang mundong may sapat at nakabubuhay na sahod at malaya sa pagsasamantala, karahasan, at pang-aabuso.

The Alternative Law Groups

  1. Ateneo Human Rights Center
  2. ERDA Foundation, Inc.
  3. Environmental Legal Assistance Center, Inc. – ELAC
  4. Humanitarian Legal Assistance Foundation, Inc – HLAF
  5. Institute of Politics and Governance
  6. KAISAHAN
  7. Kanlungan Centre Foundation Inc.  
  8. Process Panay
  9. SALIGAN
  10. Tanggol Kalikasan Inc.
  11. Tebtebba
  12. Women’s Legal and Human Rights Bureau

You May Also Like