Pahayag ng Alternative Law Groups sa Huling Araw ng 18-Day Campaign to End Violence Against Women

Sa pagtatapos ng 18-Day Campaign to End Violence Against Women, lalo nating patibayin ang ating paninindigan na sugpuin ang trafficking in persons – isang malalang problema kung saan karamihan sa biktima ay kababaihan at kabataan. Ito ay ang sapilitang pagtatrabaho, pananamantala sa mga migrant workers, sexual exploitation (pisikal man o online), pagbebenta ng mga parte ng katawan, at child marriage. 

Ayon sa 2023 Trafficking in Persons Report ng Pilipinas mula sa US Department of State, may naitalang 1,277 biktima ang gobyerno – 740 rito ay sex trafficking (490 babae, 37 lalaki, 148 batang babae, at 65 batang lalaki) at 537 naman ay labor trafficking (119 lalaki at 418 babae). Talamak ang child sex trafficking lalo na sa online at sa mga lugar na dinadayo ng maraming turista. Karaniwang mula sa bulnerableng sektor ang mga biktima dulot na rin ng kahirapan. 

Noong Disyembre 2000, ang Pilipinas ay lumagda sa UN Convention Against Transnational Organized Crime, kasama ang Optional Protocol To Prevent, Suppress And Punish Trafficking In Persons, Especially Women And Children (Palermo Protocol). Dahil dito, obligado ang gobyerno na solusyunan ang lumalalang problema ng trafficking in persons sa bansa, sa ano mang porma nito.

Kung batas ang pag-uusapan, mayroon ng Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2022, Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children (OSAEC) and Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials (CSAEM) Act, at iba’t ibang batas na nagpoprotekta sa kababaihan at kabataan.

Sa kabila nito, patuloy pa rin ang kalakaran ng trafficking in persons sa Pilipinas. Kaya naman, ang Alternative Law Groups ay nanawagan sa estado na pag-ibayuhin ang pagpapatupad ng mga batas ukol dito, kasama ang pagtiyak na mananagot ang mga salarin sa loob o labas man ng bansa at pagbibigay ng angkop na suporta sa mga biktima (medikal, psychosocial, pangkabuhayan, at iba pa). 

Kabilang din dito ang patuloy na pagsulong ng mga programang nagpapalakas sa kakayahan at kagalingan ng mga kababaihan at kabataan at pagbibigay ng mga karampatang serbisyo upang hindi sila madaling mahikayat ng mga traffickers. Mahalaga ring pataasin ang kaalaman ng komunidad, lalo na ang mga kababaihan at kabataan kabilang ang mga katutubong kababaihan at kabataan, sa kanilang mga karapatan upang maiwasan nilang maging biktima ng trafficking in persons.  

Walang oras, araw, o taon na pinipili ang karahasan. Kaya naman, hindi natatapos sa 18 araw na kampanyang ito ang ating paglaban. Sama-sama at hawak-kamay tayong tumindig para sa pagsugpo ng karahasan laban sa kababaihan at kabataan!+

Signatories:

  1. Ateneo Human Rights Center
  2. BALAOD Mindanaw
  3. Children’s Legal Bureau, Inc.
  4. ERDA Foundation, Inc.
  5. Environmental Legal Assistance Center, Inc. – ELAC
  6. Humanitarian Legal Assistance Foundation, Inc – HLAF
  7. KAISAHAN
  8. Kanlungan Centre Foundation Inc.
  9. Legal Rights and Natural Resources Center  
  10. Process Panay
  11. SALIGAN
  12. Tanggapang Panligal ng Katutubong Pilipino
  13. Tanggol Kalikasan Inc.
Tags:

You May Also Like