Pahayag ng Alternative Law Groups ukol sa Children’s Month

Sa pagtatapos ng Children’s Month ngayong araw, patuloy ang paninindigan ng Alternative Law Groups sa pagsulong ng karapatan ng bawat bata. Ang paggunita sa Children’s Month tuwing Nobyembre ay patunay ng kolektibong responsibilidad ng bawat isa na protektahan, pangalagaan, at palakasin ang mga kabataang magpapanday ng kinabukasan ng ating bansa.

Bilang isa sa mga bansang lumagda sa United Nations Convention on the Rights of the Child (CRC), malaki ang responsibilidad ng estado na siguraduhin na tinatamasa ng bawat kabataan ang kanilang karapatang mabuhay at mapaunlad ang sarili, makilahok, at maproteksyonan. 

Kaugnay dito, nagpasa ang estado ng mga batas na nagpoprotekta sa mga karapatan ng mga bata, tulad ng Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act (Republic Act No. 7610), Anti-Violence Against Women and Their Children Act (Republic Act No. 9262), at Juvenile Justice and Welfare Act (Republic Act No. 9344). Nariyan din ang mga bagong batas tulad ng Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children (OSAEC) and Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials (CSAEM) Act (Republic Act No. 11930) at Expanded Anti-Trafficking in Person Act of 2022 (Republic Act No. 11862) na mas nagpapaigting ng proteksyon sa kabataan laban sa abuso.

Sa kabila nito, maraming bata pa rin ang nagiging biktima ng iba’t ibang porma ng abuso, tulad ng pisikal na pananakit at emosyonal na pang-aabuso, child labor, trafficking, at sexual exploitation and abuse. Maraming kabataan din ang nadamay sa mga anti-illegal drug operations sa pamumuno ni dating Pangulong Rodrigo Duterte – nasa 122 ang naitalang bilang ng kabataang napaslang, ayon sa ulat ng The Guardian.

Dagdag pa rito, masalimuot ang sistema ng edukasyon sa ating bansa. Maraming kabataang Pilipino ang hindi nakakapag-aral dulot ng kahirapan at hindi pantay na access sa edukasyon. Sa kabilang banda, ang kaso ng #PisayGiveUsABreak noong kasagsagan ng pandemya ay patunay na may mga pamamaraan din sa pagtuturo na hindi angkop o nababagay sa kanilang kamusmusan at masasabing isang uri ng pang-aabuso sa karapatang pambata ng mismong sistemang pang-edukasyon sa bansa. Dahil dito, hindi nila natatanggap ang edukasyong makakatulong sana sa pagpapaunlad nila bilang tao. 

Kailangan nating magtulungan at umaksyon para masolusyunan ang mga hamong ito, kasama rito ang:

  • Palawakin ang kamalayan ng mga kabataan sa kanilang mga karapatan sa pamamagitan ng mga pag-aaral at pagbubuo at pagsasanay ng mga kabataang paralegal;
  • Irespeto ang kakayahan ng mga kabataan at hikayatin sila na magsalita at makilahok sa mga bagay na may kinalaman sa kanilang karapatan;
  • Magpasa ng batas at polisiya na magtatalaga ng espasyo para sa pakikilahok ng mga kabataan sa pamamahala at pagdedesisyun tungkol sa mga bagay na may kinalaman sa kanila;
  • Payabungin at palakasin ang kakayahan ng mga opisyal ng gobyerno, civil society organizations, people’s organizations at service providers na isulong ang karapatan ng mga bata at makipag-ugnayan sa mga bata;
  • Paglalaan ng malaking badyet sa edukasyon upang matulungan ang pag-unlad ng mga kabataan; 
  • Palakasin ang implementasyon ng mga batas na nagpoprotekta sa mga kabataan mula sa abuso at pagpapataas sa kamalayan ng mga tao o ahensyang nangangalaga at nagpoprotekta sa mga karapatang pambata; at
  • Paninigurado na ang mga institusyong nangangalaga sa kapakanan ng kabataan, pribado man o hindi, ay suportado ng pamahalaan.

Hindi dapat natatapos sa Children’s Month ang ating kampanya para sa pagsulong ng mga karapatang pambata. Sama-sama tayong bumuo ng isang hinaharap na ligtas para sa lahat ng bata, kung saan malaya silang nakakalahok at nakakapagpa-unlad ng kanilang mga sarili!

Signatories:

  1. Ateneo Human Rights Center
  2. BALAOD Mindanaw
  3. Children’s Legal Bureau, Inc.
  4. ERDA Foundation, Inc.
  5. Environmental Legal Assistance Center, Inc. – ELAC
  6. Humanitarian Legal Assistance Foundation, Inc – HLAF
  7. KAISAHAN
  8. Kanlungan Centre Foundation Inc.
  9. Legal Rights and Natural Resources Center  
  10. Process Panay
  11. SALIGAN
  12. Tanggapang Panligal ng Katutubong Pilipino
  13. Tanggol Kalikasan Inc.
Tags:

You May Also Like