Pahayag ng Alternative Law Groups ukol sa International Day for the Elimination of Violence Against Women

Sa pagsisimula ng 18-Day Campaign to End Violence Against Women, nakikiisa ang Alternative Law Groups sa pagpuksa sa gender-based violence, pagprotekta sa mga biktima ng karahasan, at pagsulong ng karapatang-pantao ng mga kababaihan. 

Maraming batas ang kumikilala sa mga batayang karapatan ng mga kababaihan tulad ng Magna Carta of Women (Republic Act No. 9710) at Anti-Violence Against Women and Their Children Act (Republic Act No. 9262). Nariyan din ang Anti-Rape Law (Republic Act No. 11648), Anti-Sexual Harassment Act of 1995 (Republic Act No. 7877), Safe Spaces Act (Republic Act No. 11313), at Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2022 (Republic Act No. 11862).

Nagtakda ang mga batas na ito ng mga legal na mekanismo at remedyo upang matigil ang karahasan laban sa mga kababaihan, maprotektahan ang kanilang mga karapatan, at matiyak na makakamit ng mga biktima ang hustisya.

Sa kabila nito, marami pa ring kababaihan ang nakararanas ng iba’t ibang porma ng karahasan sa araw-araw, tulad ng domestic abuse, sexual harassment, trafficking, at diskriminasyon, na tumatagos sa iba’t ibang sektor ng lipunan. Higit na nakita sa panahon ng pandemya ang bigat ng gender-based violence dahil tumaas ang bilang ng mga naitalang kaso ng karahasan at paghihirap ng mga kababaihan, lalo na noong sunod-sunod ang lockdowns sa bansa.

Kaya naman, nananawagan ang Alternative Law Groups sa gobyerno, iba’t ibang organisasyon, at sambayanan na tayo ay magtulungan sa pamamagitan ng:

  • Pagpapalakas ng implementasyon ng mga batas na nagpoprotekta sa karapatan ng mga kababaihan at tiyaking may kakayahan ang mga kinauukulang ahensya ng gobyerno at iba pang support services na humawak ng mga kaso ng karahasan;
  • Pagpapataas ng kaalaman ng mga kababaihan sa kanilang mga karapatan at mga remedyong maaari nilang magamit kung sila man ay maging biktima ng karahasan;
  • Pagsugpo sa mga ugat ng gender-based violence tulad ng kahirapan, hindi pantay na pagtrato sa kababaihan at kalalakihan, kakulangan ng pantay na oportunidad sa pag-aaral at trabaho, at marami pang iba;
  • Pagpapatatag ng mga sistema ng suporta para sa mga biktima, tulad ng pagtatayo ng mas maraming kanlungan, serbisyong psychosocial at counseling, at mga programang pangkabuhayan na magpapalakas ng ekonomik na kapasidad ng mga kababaihan;
  • Pagsasama sa mga kalalakihan at kabataan at pagkikilala na may malaki silang parte sa pagwawakas ng karahasan laban sa mga kababaihan.

Sama-sama tayong bumuo ng isang lipunang malaya sa anumang porma ng karahasan at gender-based violence, ligtas para sa lahat, at kumikilala sa karapatan at kakayahan ng mga kababaihan! #VAWFreePH

Signatories:

  1. Ateneo Human Rights Center
  2. BALAOD Mindanaw
  3. Children’s Legal Bureau, Inc.
  4. ERDA Foundation, Inc.
  5. Environmental Legal Assistance Center, Inc. – ELAC
  6. Humanitarian Legal Assistance Foundation, Inc – HLAF
  7. KAISAHAN
  8. Kanlungan Centre Foundation Inc.
  9. Legal Rights and Natural Resources Center  
  10. Process Panay
  11. SALIGAN
  12. Tanggapang Panligal ng Katutubong Pilipino
  13. Tanggol Kalikasan Inc.
Tags:

You May Also Like