Isa pang hakbang patungong hustisya…
Ang Alternative Law Groups ay nalulugod sa desisyon ng Muntinlupa Regional Trial Court (RTC) Branch 206 na pahintulutan si dating Senador Leila de Lima na magpiyansa para sa huling kaso ng droga na isinampa sa kanya – kung saan inakusahan siyang tumatanggap ng drug-related money upang pondohan ang kanyang pagtakbo sa Senado noong 2016.
Bilang isa sa mga pangunahing kritiko ng madugong War on Drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, sinampahan ng Administrasyong Duterte ng mga walang basehang kaso si de Lima para patahimikin siya at bilang mabigat na babala sa mga kritiko ng nasabing administrasyon. Pulitikal ang motibo kung saan ginagamit ang batas laban sa mga kritiko ng estado.
Masalimuot ang paglilitis ng mga kaso ni de Lima – gawa-gawa ang mga mapanirang istorya at matinding pambabastos ang kinaharap ni de Lima mula pa sa mga mambabatas na kaalyado ni Duterte; ginamit ang mga convicted drug lords at mga kriminal bilang mga pekeng testigo; at nalagay sa panganib ang kanyang buhay sa nangyaring hostage-taking sa loob ng custodial center sa Camp Crame.
Ngunit hindi siya nawalan ng pag-asa. Habang siya ay nakakulong, maraming mga testigong nagbawi ng kanilang mga testimonya laban kay de Lima – isang malinaw na patunay na gawa-gawa lamang ang mga kaso. Sa katotohanan, napawalang-sala na si de Lima sa dalawa mula sa tatlong imbentong kaso laban sa kanya.
Kaya naman, pagpupugay kay Judge Gener Gito sa kanyang desisyon na payagang magpiyansa si de Lima, pagkatapos ng mahigit na anim na taong pagkakakulong. Naniniwala kami na malapit na ring maibasura itong huling gawa-gawang kaso laban sa kanya, para naman makamit na niya ang hustisya… sa wakas. Nawa’y sunod nang ilabas ng korte ang desisyon ng pagbasura sa lalong madaling panahon.
Malaking tagumpay ito para sa pananaig ng hustisya sa ating bansa. Sana ay ipagpatuloy ng ehekutibo ang pagrespeto sa judicial independence at pabilisin pa ang paglilitis sa mga kaso upang maiwasan ang matagal na pagkakakulong at paghihirap ng mga taong inosente katulad ni de Lima.
Tuloy ang laban para sa hustisya at karapatang-pantao!
Signatories:
- Ateneo Human Rights Center
- BALAOD Mindanaw
- Children’s Legal Bureau, Inc.
- ERDA Foundation, Inc.
- Environmental Legal Assistance Center, Inc. – ELAC
- Humanitarian Legal Assistance Foundation, Inc – HLAF
- KAISAHAN
- Kanlungan Centre Foundation Inc.
- Legal Rights and Natural Resources Center
- Process Panay
- SALIGAN
- Tanggapang Panligal ng Katutubong Pilipino
- Tanggol Kalikasan Inc.
