Pahayag ng Alternative Law Groups ukol sa Indigenous Peoples’ Month

Malaki ang papel na ginagampanan ng mga katutubo sa proteksyon at konserbasyon ng likas na yaman sa Pilipinas. Karaniwang matatagpuan sa mga lupang ninuno ng mga katutubo ang masaganang kagubatan at anyong tubig na tahanan ng iba’t ibang uri ng hayop at halaman at hitik sa mga likas na mineral.

Ayon sa 2021 Territories of Life report, halos 13-14 milyong ektarya sa buong bansa ay binubuo ng mga lupang ninuno ng mga katutubo. Ngunit, 5.97 milyong ektarya lamang ang nakarehistro at mayroong Certificate of Ancestral Domain Titles (CADTs), isang dokumentong nagpapatibay ng karapatan ng mga katutubo sa kanilang lupang ninuno na binibigay ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP). 

Ayon naman sa 2022 State of Indigenous Peoples Address Report, kalahati ng mga lupaing ninuno ay kumakaharap ng proyektong mapaminsala sa kapaligiran na sumasaklaw sa 1.25 milyong ektarya o 21% ng kabuuang laki ng mga teritoryong ito.

Ang NCIP ang ahensya ng gobyerno na nakatalagang magsulong ng karapatan ng mga katutubo at magpatupad ng Indigenous Peoples’ Rights Act of 1997 o mas kilala bilang IPRA. Dalawampu’t anim na taon na mula nang naisabatas ito, ngunit marami pa ring kakulangan sa implementasyon. Dahil dito, patuloy na nakakaranas ang mga katutubo ng kahirapan, diskriminasyon, at pagpasok ng mga korporasyon sa kanilang mga lupang ninuno upang magdala ng mga industriya at aktibidad na mapanira sa kalikasan.

Ang pagmimina, dam, plantasyon, at iba pang proyekto sa mga katutubong lupain ay sumisira sa kapaligiran at mga kagubatan at nagiging sanhi ng pagtaas ng human rights violations laban sa mga katutubo, tulad ng panunupil, sapilitang pagpapalayas mula sa kanilang mga tahanan, militarisasyon, red-tagging, kriminalisasyon, at pagpatay.

Kaya naman isang malaking tagumpay ang kamakailang pag-issue ng Korte Suprema ng writ of kalikasan laban sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) at mining corporations na may operasyon ng pagmimina ng nikel sa Palawan. Ang writ of kalikasan ay proteksyon sa karapatan ng mga komunidad sa isang balanseng ekolohiya alinsunod sa kalikasang kanilang ginagalawan. Dahil sa writ of kalikasan, nag-issue ng cease and desist order (CDO) ang NCIP sa mga operasyon sa lugar.

Hamon ngayon ang pagpapatupad ng pagpapatigil sa mga lumalabag na proyekto. Noong 2018, nauna nang pinatawan ng NCIP ng CDO ang Integrated Forest Management Agreement (IFMA) sa Mindanao na lumabag sa Free, Prior, and Informed Consent (FPIC) ng mga tribu ng Taboli Manobo, Dulangan Menuvu, at Teduray. Kinatigan man ito ng Korte Suprema nitong 2022, patuloy pa rin ang operasyon ng IFMA at ang panunupil sa mga katutubong tumututol dito.

Maraming kababaihan – women environmental defenders – ang nangunguna sa laban ng kanilang komunidad para sa proteksyon ng kanilang lupang ninuno. Ito ay sa kabila ng patuloy nilang paglaban para sa pagkapantay-pantay.

Ang Alternative Law Groups ay nakikiisa sa laban ng mga katutubo para sa kanilang lupang ninuno at karapatan sa sariling pagpapasya. Ang koalisyon ay nananawagan na:

  • Pabilisin ng NCIP ang  pag-issue ng mga CADTs;
  • Kilalanin ang malaking kontribusyon ng mga katutubo sa proteksyon ng kalikasan, at suportahan ang kanilang pagbubuo ng mga Ancestral Domain Sustainable Development and Protection Plan (ADSDPP) at ang pagsama ng mga ito sa local development plans ng local government units (LGUs); 
  • Isabatas ang Philippine Greenprint Bills (National Land Use Act, Sustainable Forest Management Act, Indigenous Communities Conserved Territories & Areas Bill at Alternative Minerals Management Bill) na magpapalakas ng proteksyon sa mga lupang ninuno ng mga katutubo;
  • Palakasin ang implementasyon ng IPRA at pagtugma nito sa iba pang batas, plano at programa na nakakaapekto sa mga katutubo, kabilang dito ang rebisyon ng Philippine Biodiversity Strategic Action Plan at sa paghuhulma ng National Adaptation Plan at Nationally Determined Contributions Implementation Plan;
  • Palakasin ang sistema ng FPIC upang hindi ito magamit laban sa interes ng mga katutubo;
  • Pataasin ang partisipasyon ng mga katutubo sa pagbuo ng mga desisyon, polisiya, at batas na makakaapekto sa kanilang komunidad; at
  • Irespeto ang kakayahan, kultura, at buhay ng mga katutubo sa Pilipinas.

Signatories:

  1. Ateneo Human Rights Center
  2. BALAOD Mindanaw
  3. Children’s Legal Bureau, Inc.
  4. ERDA Foundation, Inc.
  5. Environmental Legal Assistance Center, Inc. – ELAC
  6. Humanitarian Legal Assistance Foundation, Inc – HLAF
  7. KAISAHAN
  8. Kanlungan Centre Foundation Inc.
  9. Legal Rights and Natural Resources Center  
  10. Process Panay
  11. SALIGAN
  12. Tanggapang Panligal ng Katutubong Pilipino
  13. Tanggol Kalikasan Inc.
Tags:

You May Also Like